Pagtuturo mula sa Puso
Nilalayon ng Pagtuturo mula sa Puso, bilang sangguniang aklat, na matugunan ang mga pangangailangan ng mga guro sa kasalukuyang panahon na nauukol sa pagdisenyo ng mga gawain na lilinang sa kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral; paghahanda ng mga kagamitan sa pagtuturo ng pag-unawa at kritikal na pag-iisip sa pagbasa ng mga mag-aaral; ang debelopment ng mga inobatibong kagamitan sa pagtuturo at pagtataya ng pagkatuto ng mga mag-aaral; at ang pagkakaroon ng kakayahan na magturo sa bagong kalagayan tulad ng online na pagkaklase at blended learning. Inihanda rin ang Pagtuturo Mula sa Puso upang magamit sa mga institusyong pangguro sa pagtuturo ng Filipino na ipinanukala ng Komisyon ng Mataas na Edukasyon para sa mga mag-aaral na magiging guro sa iba’t ibang antas ng pag-aaral. Mahalaga rin ito sa mga guro na nagtuturo na bilang sanggunian sa kanilang pagtuturo at sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman at kasanayan sa larangan ng pagtuturo. Makatutulong din ito sa mga administrador na maunawaan ang kahalagahan ng pagtuturo ng wika at pagbasa upang mabisang mapamahalaan ang programa ng pagtuturo ng Filipino sa kani-kanilang paaralan. At tulad ng pamagat ng sangguniang aklat, ang pagtuturo ay higit na mabisa kung ginagawa ito ng sinumang guro nang may pagmamahal at mula sa puso. Mabuhay ang mga guro ng Filipino!
ABOUT THE AUTHORS
LYDIA BUENAFE LIWANAG
Siya ay kasalukuyang affiliate professor ng Kolehiyo ng Gradwadong Pag-aaral ng Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU) sa Manila. Nagtapos ng B.S.E.E.D., cum laude, at Master sa Edukasyon sa Pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas at Ph.D. sa Pagpaplanong Pangwika sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Siya ay naging iskolar ng gobyerno sa Regional Language Centre sa Singapore at nagtapos ng Sertipiko sa Pagtuturo ng Wika at Paggawa ng Silabus. Naging Fulbright scholar sa Amerika at nagturo ng Filipino sa University of Oregon. Ginawaran siya ng Genoveva Edroza-Matute Professorial Chair sa Filipino ng PNU. Tumanggap din siya ng Pambansang Pagkilala sa Filipino mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Siya rin ay naging Puno ng Departamento ng Filipino sa Kolehiyong Gradwado ng PNU-Manila at naglingkod bilang Dekana ng Kolehiyo ng mga Wika, Linggwistika, at Literatura. Naging Pangalawang Pangulong Pang-akademiko ng Pamantasan at Faculty Regent ng Board of Regents (BOR), PNU. Naging miyembro ng Commission on Higher Education (CHED) Technical Panel sa Filipino. Naging trainer din siya ng mga guro sa baitang 7 at 8 sa K to 12 na programa sa sekundarya. Konsultant din siya sa pagdebelop ng kurikulum sa K to 12 sa elementarya at pagdebelop ng pagsusulit para sa elementarya at sekundarya ng Bureau of Education Assessment (BEA) ng Department of Education (DepEd). Siya ay kasapi at naging opisyal ng iba’t ibang organisasyon tulad ng Reading Association of the Philippines (Past President), PARELC Scholars Foundation, Inc. (Auditor), 170+ Talaytayan MLE, Inc. (Dating Pangulo), Fulbright Scholars Association of the Philippines, at International Literacy Association (USA). Marami na siyang nailathalang pananaliksik at ginawang panayam na nauukol sa pagtuturo ng wika at pagbasa, pananaliksik, paghahanda ng mga kagamitang panturo, pagdebelop ng kurikulum, pagsusulit sa wika at pagbasa, pagpaplanong pangwika, at multilinggwal na edukasyon. Manunulat din siya ng mga aklat para sa elementarya, sekundarya, at kolehiyo sa Filipino na ginamit sa DepEd at mga pribadong paaralan. Naging konsultant ng Cebu Normal University at University of the Philippines-Cebu sa pagdebelop ng mga silabus sa pagtuturo. Sa panahon ng pandemya ay nakabuo siya ng isang sangguniang aklat na pinamagatang “Pagtuturo mula sa Puso” para sa mga magiging guro at mga guro na nagtuturo ng Filipino. Nilalayon ng aklat na makatulong sa lalo pang pagpapaunlad ng pagtuturo at pagkatuto ng mga mag-aaral sa iba’t ibang antas ng pag-aaral at sa intelektuwalisasyon ng Filipino bilang isang pang-akademikong wika.
12
Made with FlippingBook flipbook maker