Gamhanan: Introduksiyon sa Wika
Ang Gamhanan: Introduksiyon sa Wika bilang isang teksbuk ay pagsusuri sa papel ng wikang Filipino sa lipunan. Ginamit ang paraang interaktibo sa paglalahad ng mga kaalaman at kasanayan na dapat malinang sa mga estudyante. Ilalahad sa isang kritikal na diskurso ang ugnayan ng wikang Filipino sa lipunan na kanilang ginagalawan sa kontekstong lokal at global. Sa teksbuk ding ito, ginamit ang iba’t ibang teoryang pang-edukasyon tulad ng cooperative learning theory, discovery learning, integrated learning theory, at ang multiple intelligences na siyang gagabay sa mga estudyante sa pagpapalalim ng mga kaalaman at kasanayan na tinatalakay sa bawat paksa. Sabay nito, ang lapit na student-centered learning ay ginamit, at isinama rin ang iba’t ibang lapit ng Six Facets of Filipino Whole Learners sa teksbuk bilang daan sa pagpapaunlad ng kamalayan sa wikang Filipino ng bawat estudyante.
TUNGKOL SA MGA MAY-AKDA
Marina Gonzaga-Merida
Si Dr. Merida ay nagtapos ng kursong BSEED major in Filipino sa St. Paul University-Manila at cognate in Women’s Studies sa NURSIA Institute of Women’s Studies sa St. Scholastica’s College-Manila. Natamo niya ang kaniyang MA in Philippine Studies major in Philippine Development sa De La Salle University- Manila at MA in Special Education sa St. Scholastica’s College-Manila. Ang kaniyang digring Doctor of Education major in Educational Management ay kaniyang natapos sa Philippine Christian University-Manila. Mula 1991, siya ay propesor sa Filipino sa St. Scholastica’s College at naging tagapangulo at koordineytor ng Departamento ng Wika at Literatura at naging bahagi ng Departmento ng Social Development, Teolohiya, at Women’s Studies sa nasabing kolehiyo. Bahagi rin siya ng Editorial Board ng Journal of Action Research at naging tagapangulo ng Komite ng Institutional Research Ethics Review Board ng nasabing kolehiyo. Si Dr. Merida ay naging external evaluator ng Department of Education (DepEd) K to 12 Basic Education. Aktibo siya sa mga gawaing pangwika at pangkababaihan sa pamamagitan ng pagtuturo, pagbibigay ng seminar-workshop, at pananaliksik. Gayundin, aktibo rin siya bilang tagapagsalin ng iba’t ibang teksto. Nakapaglathala na rin siya ng mga aklat para sa mababang paaralan at gayundin ng mga lathalaing tumatalakay sa wika, kababaihan, at kaunlaran. Pangunahing tagapagsalita rin siya sa mga pambansang seminar-workshop. Nakapagbasa na rin siya ng kaniyang pananaliksik sa loob at labas ng bansa tulad sa Kathmandu, Nepal; Johannesburg, South Africa; at Harare, Zimbabwe. Aktibo rin siya sa mga organisasyong pang-edukasyon, pangwika, at sa mga nongovernmental organization tulad ng World Council for Curriculum and Instruction (WCCI), at miyembro ng Board of Trustees ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literatura sa Filipino (PSLLF, Inc.), at board chairperson ng Community Inclusive Development for Sustainability, Inc. (CIDS, Inc.) at ng Kaisahan Ng Magulang At Anak Na May Kapansanan (Kaisaka) Inc.
Cristina Dimaguila-Macascas
Si Prop. Macascas ay nagtuturo sa Philippine Normal University (PNU). Kasalukuyan niyang tinatapos ang digring Doctor of Philosophy in Filipino sa PNU. Siya ay awtor, tagasalin, mananaliksik, at ispiker sa mga seminar-workshop at kongreso. Siya ang proponent at direktor ng LIRIP: Pambansang Kumperensiya sa Filipino. Siya ay kinatawan ng Laguna sa Bigkis at Alyansa ng mga Nagtataguyod sa Wikang Filipino, regional director ng Sagip-Wika, at pangalawang pangulo ng Network for Professional Researches and Educators. Si Prop. Macascas ay nagtamo ng iba’t ibang parangal kabilang Outstanding Teacher of the Year, Serviam Award, Ambasador ng Wika at Kultura, at Outstanding Educator in Filipino. Iginawad din sa kaniya ang pinakamataas na parangal sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, ang Gawad Sulo. Isa rin si Prop. Macascas sa mga pinarangalan na Ulirang Guro ng 2022 ng Komisyon sa Wikang Filipino.
2025 Higher Education Learning Solutions for the Teacher Education Program 379
Made with FlippingBook Ebook Creator